MAGPAKAILANMAN – The Russel Contemplacion story

Posted: May 6, 2013 in meditation
Tags: ,

“Di ko makakalimutan ang sinabi noon ni Mama. She cried and said, “wala na si Flor. Binitay na siya.” I never really understood kung anong drama ni Mama noon pero nalaman ko rin ang story ni Flor dahil sa massive news coverage ng media tungkol sa kanya. At bilang isang Pilipino, kahit di ko kaano-ano si Flor, I felt sad, really sad for her family. And fast forward to now, I am lucky dahil nakilala ko ang isa sa mga anak ni Flor, si Ate Russel. At natuwa ako dahil she trusted me and she told me about what really happened sa buhay ng pamilya niya.”

 

 
Mon, Mar 18, 2013 at 11:24 PM
 
BACKGROUND:

Isang OFW sa Singapore na hinatulan ng bitay dahil sa diumano’y pagpaslang niya sa batang Singaporean at kapwa Pilipinong si Delia Maga.
Naging balita sa bansa – at maging sa buong mundo – ang kinahantungan ng buhay ni Flor at sinapelikula pa ito.
Ang tanong ng marami noon, paano na ang kanyang naiwang pamilya?
Napa’no na ang mga anak na pinangarap niyang mabigyan ng magandang kinabukasan? Ito ba ay natupad o siya ba’y  muling nabigo?

Ito ang sasagutin ng kwentong tampok natin ngayon. 

SYNOPSIS:
Pangalawa sa 4 na magkakapatid si RUSSEL, ang nag-iisang anak na babae ni FLOR CONTEMPLACION. 
Nang mawala si Flor kay Russel naiwan ang isang mabigat na responsibilidad at iyon ay ang tumulong sa tatay niyang si EFREN at alagaan ang mga kapatid niyang lalake na sina XANDER at ang kambal na sina JOEL at JUN-JUN. Siya ang nagsilbing ina ng tahanan. 

Hindi naging madali kay Russel ang lahat. Sa edad na 18 ay may sarili na rin siyang pamilya at nag-aaral pa siya ng kolehiyo. Siya lang ang nagtratrabaho dahil ang asawa niyang si ALLAN ay hindi naman nakapagtapos ng high school at kailangan niyang kumayod nang husto dahil maysakit na cerebral ang palsy ang panganay niya na si FLORENCE.

Pero kahit batbat ng maraming hirap at sakripisyo, nakapagtapos ng pag-aaral si Russel. Pinanganak din niya si Alyssa. 

Kahit na may mga anak na siya at asawa, hindi pa rin kinakalimutan ni Russel ang Papa niya at mga kapatid niya. Kapag may mga problema ang mga ito, tumutulong pa rin siya. Minsan, napag-aawayan nila ito ni Allan dahil nahahati ang atensyon at obligasyon ni Russel. Pinagtatanggol naman ni Russel ang mga kapatid niya at tatay niya. Para kay Russel, di niya pwedeng iwanan o pabayaan na lang ang pamilya niya.

Dumating din ang panahon na dahil sa lumalaki na ang gastusin ng pamilya, nagpunta si Russel sa Maynila para magtrabaho. Pero hindi pa rin ito naging sapat lalo na at nadagdagan na naman ang miyembro ng kanyang pamilya. Pinanganak niya si Angelo. At dahil sa hirap, pinaalaga niya ito sa iba. 

Nagkaroon ng trauma si Russel dahil habang lumalaki si Angelo, naging mas malapit ito sa pamilyang nag-ampon sa kanya. Kaya naman nang pinanganak ni Russel ang bunso niyang si KHIZEL ANNE, nangako siya sa sarili niya na kahit mahirapan siya nang husto ay hindi na niya ipapaalaga ang anak niya sa iba. 

Dinadala ni Russel ang baby na si Khizel sa trabaho niya kahit na bawal ito. Ayaw na niyang malayo siya sa anak niya. At para makadagdag ng kita, nagbebenta ng kape, yosi, balot o kung anu-ano si Russel sa opisina. Ang perang kinikita niya rito ay binibigay niya rin sa mga anak niya. 

Pero sadya yatang sinusubukan ng langit ang katatagan ni Russel dahil nalaman niya na nakulong ang mga kapatid niya dahil sa pagtutulak ng droga. Nasentensyahan ang mga ito ng life imprisonment. Hindi nagtagal, nahuli rin ang tatay niya at nakulong dahil din sa isyu ng drugs. 

Mangiyak-ngiyak si Russel pero tinatagan pa rin niya ang loob niya at nanatiling positibo sa buhay. Kapag dinadalaw niya ang mga kapatid niya at Papa niya. Sinasabihan niya ang mga ito na magbagong-buhay. 

Pero mapaglaro talaga ang tadhana, habang inaayos ni Russel ang buhay ng mga kapatid niya at Papa niya, nadiskubre niya na gumagamit na rin ng droga si Allan. Dahil dito, nag-away sila. Nagkaroon ng insecurity si Allan dahil pakiramdam niya, nagpapasarap lang si Russel sa trabaho. Sinagot ni Russel si Allan na hihinto lang siya sa trabaho kung sakaling kaya na silang buhayin ni Allan. 

Nagkasakit ulit si Florence at tinakbo nina Russel ang bata sa ospital. Huli na ang lahat dahil hindi na nakaabot ng buhay si Florence. Nagdalamhati ang buong pamilya pero ito na rin ang hudyat nang paghihiwalay nina Russel at Allan. 

Dinala ni Russel sina Alyssa, Angelo at Khizel sa Maynila. Mula noon, dito na sila nanirahan. Tinaguyod nang mag-isa ni Russel ang pag-aaral ng mga anak niya. Tinatawagan pa rin siya at tine-text ni Allan para magkabalikan pero ayaw na ni Russel. Napagod na siya sa kakahintay na magbabago si Allan na magkakaroon din ito ng direksyon at pangarap sa buhay. 

Halos hindi pa natatapos ang pagdadalamhati ni Russel, nabalitaan niya na namatay na ang kuya niya sa kulungan. 

Pero sa ibabaw ng lahat-lahat ng nangyari sa buhay ni Russel – ang pagkabitay sa nanay niya, pagkakulong ng mga kapatid niya at Papa niya, pagkamatay ni Florence at paghihiwalay nila ni Allan…hindi nawalan at hindi nawawalan ng pag-asa si Russel. Lalaban siya sa buhay para sa mga anak niya. At para sa kanya, kung kailangan na maghirap, gagawin niya para mapagtapos ng pag-aaral ang mga anak niya dahil ito naman ang pangarap at hiling ng Mama niya bago ito namatay. Sabi ni Russel, nabubuhay siya para sa mga anak niya…hindi rin siya mangingibang-bansa kahit na anumang mangyari dahil ayaw niyang maranasan ng mga anak niya ang pangungulila na naramdaman niya nang umalis ang nanay niya. 

Sa ngayon, masaya rin si Russel dahil kahit nakakulong ay nasa mabuting kalagayan sina Efren, Joel at Jun-jun. Nagbabagong-buhay ang mga ito para mabigyan ng parole. 

At kahit maliit lang ang bahay nila at nagtitiis sila, masaya si Russel sa naging buhay niya. Proud siya sa mga anak niya dahil honor students ang mga ito at mga mababait. At ito ang kaligayahan na hindi matutumbasan ng kahit anuman.

Sigurado rin siya na kung nasaan man ang Mama Flor niya ay tuwang-tuwa ito at proud din sa kanya dahil kahit pano ay natupad niya ang pangarap nito. Nakapagtapos siya ng kolehiyo at ito rin ang sinisikap niya na mangyari para sa kinabukasan ng mga anak niya. 

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s